Isda sa Himpapawid
- Muciecian
- Mar 19, 2020
- 1 min read

Sa gabing sumikat ang araw
Binalot ng dilim ang liwanag
Hindi malaman ang dahilan
Sa mga pangyayaring ‘di maintindihan
Naririnig mo ba ang ingay sa tahimik na gabi?
Ang tinig ng mga pipi?
Ang sigaw ng mga isda sa karagatan?
At ang hangos ng ibon sa himpapawid?
Malaya sa loob ng rehas
Ngunit nakakulong sa labas
Tahimik silang sumigaw
At nag-ingay pagtigil ng alingawngaw
Ang ibong humahangos
Lumipad sa ilog na umaagos
Isdang minsang sumigaw karagatan
Ngayo’y lumalangoy sa himpapawid
Mga pakpak ay ginamit upang lumangoy
Buntot ay ginamit upang lumipad
Mga sigaw sa tahimik na gabi
Naging ingay sa mundong walang marinig
Naririnig mo ba ang tinig nila?
Nakikita mo ba ang kalagayan nila?
Mga mata’y ginamit upang makinig
Mga tenga’y ginamit upang makakita
Paano na ang tinig ng mga pipi?
Paano ang mga isda sa dagat?
Paano na sila?
Paano na?
Comments